sinulat ni Mark Jason A. Alcantara
Patay na si Rizal. Patay na si José Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda magmula pa noong ika-30 ng Disyembre taong 1896 sa batang edad na tatlumpu’t lima nang binaril siya sa Bagumbayan. Patay na si Rizal marami nang taong nakalipas at hanggang sa ngayon, patay pa rin si Rizal sa mga karaniwang mamayang Pilipino.
Patay na si Rizal. Patay na ang ating Pambansang Bayani.
Para sa karamihan, si Jose Rizal ang mukhang matatagpuan sa baryang piso. Pisong walang halaga kung yung iisang pisong ‘yon lamang ang gagamitin para bumili. Para sa karamihan, J.P. Rizal ang mahabang kalye na kanilang dinadaanan araw-araw. Ito ang mga kalyeng makalat, maalikabok, at laging binabaha tuwing bumabagyo (at minsan kahit walang bagyo ay binabaha pa rin). Si Rizal ang rebultong nakatayo sa Luneta Park na binibisita ng mga magkasintahan, mag-asawa, magkakaibigan, mga pamilya upang magpalipas ng oras o magpiknik… at sa iba para magtalik sa madidilim na sulok nito tuwing kalaliman ng gabi. Rizal din ba ang probinsya kung saan matatagpuan ang siyudad ng Antipolo at bahagi ng CALABARZON. Si Rizal na siyang nagsulat ng mga librong Noli Me Tangere at El Filibusterismo na pilit na pinapabasa sa atin ng mga paaralan at ng mga institusyon, kahit na alam nilang kadalasan ay nagpapakwento lang tayo sa ating mga kaklaseng masipag at kayang magtiis na basahin ito o kung hindi kaya ay magbasa na lang ng libro na kayang magbigay ng buod at paglalarawan sa mga tauhan na gagamitin nilang batayan sa pagsagot sa mga sanaysay, pag-uulat, at pagsusulit. Si Rizal ba ang santo na sinasamba ng mga Rizalistang kulto sa iilang probinsya sa ating bansa, na ang turing sa kanya ay hindi lamang isang hamak na tao na nagbuwis ng sariling buhay para sa kanyang kapwa tao, kundi ay isa ring daan patungo sa kaligtasan at buhay na walang hanggan? Sa huli, kung itatanong mo nang biglaan ang isang estrangherong naglalakad sa kahit saang kalsada kung may nalalaman siyang mga tiyak na detalye ukol kay Rizal, tulad ng pangalan ng kanyang mga kamag-anak, mga naging kasintahan, lahat ng pamagat ng kanyang mga naisulat, mga petsang nakaugnay sa kanya – siguro’y hindi sila makasasagot, o kung may makasasagot man, ay iilan lamang.
Patay na si Rizal.
Halos nawala na ang tunay na diwa ni Rizal, kasama na rin ang kanyang mga pinaglaban sapagkat nagbago na rin ang pagturing, pagtingin, at pagkaunawa natin sa kanya.
Talaga bang ipinagdiriwang pa natin ang tunay na diwa ni Jose Rizal o bahagi na lamang ito ng isa sa mga araw na walang pasok at pagkakataon natin upang makapagpahinga? Si Rizal na tinuturing nating pambansang bayani. Sino nga ba si Rizal sa isang karaniwang Masang Pilipino gayong patay na si Rizal?
Bakit nga ba siya kailangang alalahanin? Kaya bang busugin ng pag-aalaala kay Rizal ang mga kumakalam na sikmura ng sampung anak ng mahirap na mag-asawang nakatira sa isang barung-barong? Kaya ba nitong bigyan ng trabaho ang libo’t libong mga Pilipinong desperadong mabigyan ng pagkakataon magbanat ng buto at magkaroon ng silbi sa lipunan? Kaya ba nitong ipaaral ang mga batang nasa lansangan na nagbebenta ng mga bulaklak na sampaguita, silang mga pumiling magtrabaho sa murang edad upang makatulong sa kanilang mga pamilya? Kaya ba nitong bigyan katarungan at hustisya ang mga inaapi, inaabuso, at minamaliit ng mga nakatataas at makapangyarihan? Kung kilala ba nila si Rizal, anong magagawa niyon upang umunlad ang kanilang mga buhay, na siyang mas bibibigyan ng kahalagahan ng mga mas nakararami sa’tin mga mamamayan? Hindi rin natin sila masisisi sapagkat mas mauuuna talaga nilang pahalagahan ang paghanap ng pagkain na maglalagay ng kaunting bigat sa walang laman at naninigaw nilang mga sikmura. Mas bibigyan muna nilang pansin ang pagkakaroon ng masisilungan para sa kanilang kaligtasan bago ang pagiging makabayan. Hindi natin sila masisisi sapagkat hindi talaga nila maiiwasan na maging makasarili muna sapagkat kinakailangan nilang mabuhay mula sa mga pagsubok ng buhay.
Patay na si Rizal.
Kinakatawan ni Jose Rizal ang lahat ng nais na makuha’t maabot ng bawat Pilipino. Si Rizal ay isang taong lubhang marami ang pinag-aralan at naranasan sa buhay; siya ay nakapagtapos ng kolehiyo at nag-aral pa lalo upang makakuha ng propesyon sa larangan ng medisina. Magaling din siya sa larangan ng panitikan na nagdulot sa kanyang pagsusulat ng mga tula, kuwento, at pati na rin sa mga pahayagan sa Europa kasama ang iba pa natin mga bayani. May kakayahan din siyang makipag-usap gamit ang higit kumulang sa dalawampu’t dalawang wika. Sa mga kalalakihan, maaring isa na siya sa mga pinakakinaiinggitan at tinitingalaan, sapagkat sino nga ba ang hindi mamamangha sa samu’t saring mga babae mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo na kanyang napaibig at naging kairog; na partida pa ang kanyang tunay na mala-Pilipino’t Asyanong tayog? Sa mga kababaihan, maaring siya naman ang isa sa mga pinapangarap at maaring maging batayan ng lalaking kanilang hinahanap, sapagkat sino’ng makatatanggi sa kanyang angking pagkaromantiko’t maginoo; na gamit ang kanyang matatamis na tula ng pag-ibig ay tunay na makukuha ang kanilang matatamis na oo. Kung isa kang magulang, hindi ba ito ang magiging tugatog ng iyong mga pangarap para sa iyong mga anak? O kung isa kang mag-aaral, hindi ba ito ang ituturing mong rurok ng tagumpay, at nanaisin mong makamtan kahit katiting lamang ng narating ni Rizal? Kung isa kang Pilipino, hindi ba’t gusto mo rin maging katulad ni Rizal? Paano ba natin dapat tingnan at kilalanin ang ating pambansang bayani?
Patay na si Rizal.
Sinulat ba ni Rizal ang mga librong Noli Me Tangere at El Filibusterismo upang basahin lang ng kahit sino, at kapag tapos na’y ilapag lamang sa salansanan ng mga libro at hayaang mapuno ng alikabok sa tagal ng panahon, gaya ng nangyayari sa iba pang gawang literatura? Nagsulat ba si Rizal sa pahayagan sa Europa para lang basahin kasama ang mainit na tasa ng kape sa almusal tulad ng iba pang mga babasahing periyodiko? Namatay lamang ba si Rizal sapagkat isa siyang kriminal, kalaban ng bansang Espanya, at hinatulan ng karapatdapat na parusa bilang isang traydor sa bansang hinihingan lamang niya ng respeto at pagkapantay-pantay? Si Rizal na dapat ay iginugunita ang kanyang ika-150 taon kaarawan sa taong ito ng buong sambayanang Pilipino, hindi lamang ang mga nakatataas at may pinag-aralan na bahagi ng lamang minorya.
Magmula pa noong panahon ng mga mananakop hanggang sa magsulat si Rizal ng dalawang librong pinamagatang Noli Me Tangere at ang El Filibusterismo, mga akdang binansagang erehe, filibustero, makasalanan, mapaghimagsik, mapanganib, kalaban, at walang utang na loob ayon sa parehong Simbahang Katoliko at Pamahalaang Kastila; hanggang sa ngayon, mayroon na bang nangyaring pagbabago sa ating bansa at sa ating mga mamayan? Natupad na ba ang mga pangarap at hinaing na nais isulong at isabuhay ni Rizal sa kanyang Inang Bayan? Magmula pa noong isulat ni Rizal ang pambungad na “Sa Aking Inang Bayan” noong 1886 sa Europa sa kanyang librong Noli Me Tangere, kung saan inaalay niya ang kanyang nobela para sa naghihikahos na mga Pilipino, makalipas ang halos 125 na taon, nakahanap na ba tayo ng lunas para sa binanggit niyang kanser sa lipunan na lumalaganap at lumalala, at unti-unting pumapatay at sumasakal sa kanyang Inang Bayan? Magmula pa noong hinandog ni Rizal sa tatlong pari na sina Padre Jose Burgos, Padre Jacinto Zamora, at Padre Mariano Gomez, na mas kilala bilang GomBurZa, at Sa Sambayanang Filipino at Kanilang Pamahalaan ang kanyang aklat na El Filibusterismo na may pag-aalaala at may hinaing na katarungan, pagbabago, at kasarinlan, mayroon na bang nangyaring pagbabago sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa lalo na sa usapin ng karapatang pantao?
Patay na si Rizal, ngunit nanatiling pagsubok ang pagtingin sa kanyang mga naisulat na mga nobela at iba pang mga obra. Hanggang sa ngayon, mahirap hanapan ng tunay na pagtanggap, pagkaintindi, paghanga, at pagkilala sa kanyang mga obra katulad na rin ng iba pang mga sining at obrang Pilipino. Ano nga ba ang tunay na layunin ni Rizal upang isulat ang mga ito? Kailangan tayo mismo ang magkaroon ng sariling paghanga at pagmamahal sa mga nagawa ni Rizal at ng iba pa natin mga bayani na lumaban para sa ating Inang Bayan, at hindi dahil pinipilit tayo ng sistema’t lipunan. Utang na loob na rin natin sa kanila kung bakit mayroon tayong kalayaan at kasarilan, na tunay natin dapat sinasabuhay at hindi binabalewala.
Ito ba ang dahilan kung bakit nanaisin pa rin ng mga Pilipino sa kasalukuyan na pumunta sa ibang bayan, magsilbi sa mga tao ng ibang lahi, manirahan sa ibang bansa, upang mabuksan ang kanilang mga mata sa katotohanan, makamit ang ninanais na rurok ng karunungan at kaalaman, makatikim ng kaginhawaang hindi nila makita-kita at maabot dito sa kanilang Inang Bayan? Sa ibang bansa kung saan mas nakakakita sila ng kasiguraduhan ng pag-unlad, pag-asenso, at pag-asa, tulad ni Rizal na nang makapunta sa ibang bansa ay hindi maaabutan ng kahit anong banta mula sa Pilipinas, sa pusod ng ibang bansa kung saan hindi siya maaaring masaktan, mapahamak, at mapatay sapagkat nasa Pilipinas ang kanyang mga kaaway?
Hanggang sa kasalukuyan panahon mas nanaisin ng mga Pilipino na makapunta sa ibang bansa upang makapag-aral, makapagtrabaho, at maglingkod sa ibang lahi na siyang makakukuha ng pakinabang kaysa sa sariling bayan. At nang lumaon, iisipin niyang dalhin na rin ang kanyang mga minamahal at doon mamuhay nang matiwasay, nang walang problema, at tumalikod sa isang bansang nagdurusa, nanganganib at naghihikahos upang bumalik ang kanyang mga anak nang matulungan itong makabangon muli. Hindi ba’t mas nanaisin mo pa ang makagamit ng mga bagay na mula sa ibang bansa, ng mga dayuhan na produkto, kaysa sa mga produktong gawa sa dugo’t pawis ng ating mga sariling kababayan, at kung tutuusin ay mas de-kalidad at nasa mas murang halaga? Malaking kabalintunaan ngang sa ibang bansa ka pa makatitikim ng tunay na kalayaan. Tunay ka nga bang malaya kung malayo ka sa iyong mga kaanak, kadugo, at kalahi? Pero kung inyong iisipin, bumalik si Rizal sa kanyang Inang Bayan. Binalikan niya ang kanyang pamilya at mga mahal sa buhay. Binalikan ni Rizal ang panganib ng maaaring gawin ng mga prayle at ng Pamahalaang Kastila, na kapuwang kating-kati nang hulihin at tugisin siya kapag makaamoy sila ng pagkakataon. Sabi nga mismo ni Rizal kay Mariano Ponce habang siya ay nasa Barcelona, “Nagpakalayo ako sa ating bayan, pero wala pa rin akong marating, dahil wala rito ang ating mga kaaway”. Bumalik si Rizal sa Pilipinas pagkatapos ng lahat ng tagumpay na kanyang nakamtan sa ibang bansa sapagkat sino nga ba ang dapat makinabang sa lahat ng kanyang pagsusumikap kundi ang kanyang mga kapwa Pilipino?
Patay na si Rizal, ngunit mahirap pa rin para sa karamihan sa atin ang kilalanin ang sarili natin identitad bilang mga Pilipino, na naiiba sa ibang mga lahi. Hamon para sa atin ang hanapin ang kagandahan sa gitna ng kapangitan, makita ang liwanag sa gitna ng kadiliman, at mahanap ang pag-asa sa gitna ng pagsuko tulad ng paghahanap natin ng dahilan upang ngumiti sa gitna ng patuloy na kalungkutan at hirap ng buhay.
Ang Simbahan at ang Pamahalaan ay mula noon hanggang sa ngayon, ang mga mga makakapangyarihang magkasabay na namumuno sa pagpapalaganap ng kaayusan at kapayapaan ng mga mamamayan sa ating bansa. Hindi natin maitatanggi na hiwalay na sa kapangyarihan ngayon ang Simbahan at ang Pamahalaan ngunit malakas pa rin ang nadudulot na panghihimasok ng Simbahan sa mga ginagawang hakbang ng Pamahalaan, dahil ayon sa Simbahan, pananagutan pa rin nila ang pagkalahatang kabutihan, ugali at moralidad ng mga tao, samantalang ang Pamahalaan naman ang may tungkuling magsakatuparan ang mga ito sa pamamagitan ng tama at mahusay na pamamalakad.
Patay na si Rizal, ngunit patuloy pa rin yata ang katunggalian sa pagitan ng, kung hindi lang dalawa ay, maraming sektor ng makakapangyarihan. Dapat pa rin alalahanin kung bakit tayo ang iilan sa atin ay nasa posisyon ng kapangyarihan, ito’y dahil upang tayo’y paglingkuran at pamunuan patungo sa kapayapaan, kaayusan, at kaunlaran.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi natin mapagdududahang tunay ngang malakas ang impluwensiyang naiwan ng mga Kastila sa ating kultura, lalung-lalo na ang Simbahang Katoliko, na ginamit nila sapul sa simula upang masakop ang mga sinaunang barangay. Kilala ang Pilipinas sa pagkakaroon ng pinakalamaking bahagdan ng mga Kristyano sa buong Asya, at malakas pa rin ang impluwensiya ng Simbahan sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ang simbahan na siyang namamagitan sa tao at sa Diyos sa paraan ng pagiging gabay nito o ‘di kaya’y pastol sa’ting mga tupang nangangailangan ng pag-aaruga at pag-aalaga. Ang Simbahan na kinatatakutan ng mga Pilipino noong panahon ni Rizal sapagkat may kakayahan itong magparusa hindi lamang dito sa mundo sa paraan ng pagkuha ng lupa, ari-arian, at pagkatao, kundi kaya rin nitong magparusa sa kabilang buhay sa paraan ng hindi pagbigay ng indulhensiya at hindi pagpapatawad ng mga kasalanan. Ang Simbahan na noong panahon ni Rizal ay mas mayaman pa kaysa sa pinaglilingkuran, sa kabila ng utos ng Panginoong Hesus na mamuhay nang payak. Dito may pagdududa sa paraan ng pamamalakad ng institusyon, at dulot nito ang maling pagtingin ng mga tao sa Diyos na kaysa sambahin ay kinatatakutan, na kaysa mahalin, ay kinakailangan bayaran upang mapahintulutang makapuntang langit, na kaysa magkaroon ng pananampalataya sa Kanya, ay magdudulot pa sa pag-aalinlangan kung bakit taliwas sa mga tinuturo ng kaparian ang kanilang paraan ng pamumuhay at pagtrato sa kapwa, na kanilang kapatid sa mata ng Diyos. At sa ngayon, ang Simbahan ang siyang kumakalinga sa pangangailangan ng mga mahihirap nating kababayan Ang Simbahan ngayon na siyang pinamumunuan na ng mga Pilipino na dating hindi kinikilala at tinatanggap na magkaroon ng karapatan na maging pari sapagkat sila’y mga hamak na Indio lamang. Kung tutuusin, nag-iba na ang Simbahan sa kasalukuyan kumpara noong panahon ni Rizal, ngunit patuloy pa rin ang pagiging makapangyarihan nito sa pag-impluwensiya sa paraan ng pag-iisip ng mga tao, lalo na patungkol sa ginagawang hakbang ng Pamahalaan. Mula sa panahon ni Marcos, kung kailan pinamumunuhan nito ang pag-aklas ng mga Pilipino laban sa kanyang pinuno (na naulit noong panahon ni Estrada), at hanggang sa kasalukuyan kung saan ito ang namumuno sa paglaban na huwag ipasa ang Reproductive Health Bill at lahat ng sumusuporta nito ay isinusumpa, sinisiraan, at sinasabing makasalanan. Ang Simbahan na kung titingnan ay masyadong marahas bumitaw ng mga salita na siyang dapat maging mas bukas sa mapayapang pag-uusap at pag-aareglo. Kinakailangan lang maging maingat ang Simbahan sa paraan ng pakikipag-ugnayan sapagkat wala nang iba pang magpapakita ng tunay na pagmamahalan na nais maisakatuparan ng Diyos kundi sila mismo at kung taliwas ang kanilang ginagawa, malungkot ang kalalabasan nito. Hindi napapakita ang kabanalan gamit ang mga salita na nilalabas sa mga sermon kundi sa paraan ng pakikipag-kapwa at paglilingkod. Ang Simbahan na dating kumalaban at nagpapatay kay Rizal, ang parehong Simbahang may pagkakataon na magbago, upang mapatunayan sa ating sila ang katuwang natin sa pagiging mga mabubuting mamayan, sa pamamagitan ng paghuhulma sa ating pagkatao. Hamon sa Simbahan na maging mulat sa iba pang mga larangan at kaalaman, tulad na rin ng sa wakas na pagtanggap ng Katoliko sa iba pang mga relihiyon at paniniwala. Tulad nga ng sabi ni Hesukristo, kung tunay nga natin sinasabi na mahal natin ang Diyos, kinakailangan natin ipakita ito sa paraan ng kung paano natin tinatrato ang ating kapwa.
Patay na si Rizal, ngunit nanatili pa rin buhay ang mga ipokritong tao na kapwa tinatakwil ni Rizal at ng Panginoon Hesukristo. Dito nagiging hamon sa atin na isabuhay ang lahat ng ating pinaniniwalaan at sinasabi sa ating kapwa. Ang tunay na Araw ng Paghahayag na kung saan mahahati ang mga masasamang kambing sa mga mabubuting tupa ay nagsisimula na ngayon kasalukuyan panahon. Hindi lamang ang Diyos ang may kakayahan na husgahan tayo sa ating mga ginagawa kundi pati ang ating kapwa tao, at ang mas masakit pa, pati ang ating mga sarili dulot ng ating mga konsensiya na kailanman hindi natin matatakasan. Mahalaga ang pananampalataya, ngunit kailangan ito isabuhay at isagawa.
Ang Pamahalaan natin ngayon ay pinamumunuan ng ating mga kapwa Pilipinong pinaghahawakan ang demokrasyang dapat nating ginagalang at tinatratong sagrado sapagkat sinusulong nito ang pagkapantay-pantay at respeto sa bawat tao na ninais makamtan ni Rizal sapul sa simula. Oo, tunay ngang isa tayong bansang humihinga at nabubuhay sa demokrasya ngunit namamayani pa rin ang higpit ng pagsesensura. Hindi pa talaga tayo ganap na malaya sa pagpapahayag at karamihan sa atin ay takot na masaktan at mapatay kapag napasobra tayo ng pagbunyag sa katotohanan lalo na sa larangan ng pagpapahayag ng balita. Karahasan ang namamayani at bumabalot sa isip at kalooban ng mga tao. Sobrang konserbatibo pa rin natin lahat pagdating sa pagtingin at pagtangkilik sa sining, kung ito ay nakababastos o hindi: kung ika’y nakababastos ay hindi ka lamang babastusin, sisiraan, pahihiyain, kundi babantaan pa ang iyong buhay. Oo, konserbatibo nga tayo ngunit bakit hindi tayo nagtataka kung bakit tuwing nanonood ka sa telebisyon sa hapon ay mayroon pa rin mga kababaihan na nagsasayaw nang halos nakahubad na at sa paraang nakahihikayat sa mga manonood, lalo na sa mga palabas na pang-komedya sa gabi – kung saan madalas magbida ng mga babaeng wala nang saplot? Ngunit uhaw pa rin tayo sa katarungan, hustisya, at tamang pamamalakad. Paulit-ulit na tayong naghahanap ng pagbabago at pag-asa. Pinagmamalaki natin ngayon ang pagsunod sa daang matuwid ngunit hanggang hindi tayo nagkakaisa sa iisang hangarin at pangarap para sa isa’t isa na hindi makasarili at walang kinakampihang lahi, relihiyon, lugar, sector, o anuman, na siyang ganap na maka-bayan, maka-tao, at maka-Diyos, wala pa tayong nasisimulan na hakbang patungo sa pagbabago. Bakit kapag may bagong batas na ginagawa ay agad-agad tayong nagrereklamo na perwisyo ito sa atin lalong lalo na yung mga batas panlansangan na isinasakatuparan ng MMDA? Tama na ang mga pansariling interes, ang pagiging pribado’t hiwalay natin sa iba sapagkat kinakailangan na natin tingnan ang mga bagay sa mas malawak at makabayan na perspektibo. Hanggang hindi lahat sa atin ay nauunawaan at alam kung paano dumaan sa tamang landas, hanggang may mga naiiwan pa rin, nadadapa, at naliligaw ng landas at hindi natutulungan sapagkat makasarili at takot na masaktan, magalusan, at marumihan, malayo pa tayo sa ating paroroonan. Hindi rin tayo naiiba sa Pamahalaang Kastila noong panahon ni Rizal na mayroon pagkiling para sa kanilang sariling kaunlaran at kaginhawaang salungat sa tunay nilang pananagutan sa kanilang mga dapat na pinaglilingkuran; at sa huli’y nasayang din ang tatlong daan taon nilang pananakop tulad ng ibang bansa na kanilang ginawang kolonya – mga bansang patuloy na naghihirap at nangangailangan pa rin ng tulong upang umunlad, makaraos, at makatayo sa sarili nilang mga paa. Kinakailangan natin igalang at gawin sagrado ang Saligang Batas na siyang nagsasagawa at nagsasakatuparan ng pangkalahatang karapatan ng bawat Pilipino.
Patay na si Rizal, ngunit patuloy pa rin ang hindi pagbigay ng tamang pagtrato at pagkilala sa karapatan ng kapwa tao, mahina man o malakas, mahirap man o mayaman, bata man o matanda, babae man, o babae. Hindi pa rin nawawala ang diskriminasyon sa pagitan ng mga indio at mga dayuhan… nagbago lamang ito ng anyo sa kasalukuyan, at kung mapapansin mas malala pa nga ito sapagkat diskriminasyon na ito sa pagitan ng Pilipino sa kanyang kapwa Pilipino. Ang mga pinuno ay pinaupo sa kanilang mga puwesto upang maglingkod, at hindi upang paglingkuran.
Ang ekonomiya sa ating bansa ay hindi pa halos nagbabago magmula pa noong ilang daang taon nang nakaraan. Nabubuhay pa tayo sa piyudalismo na kung saan batayan pa rin ng kaunlaran ng mamamayan ang dugo’t pawis na kanyang pinagsikapan – sa ating bansa, ito ay ang agrikultura. Pinamumunuan pa rin ang mga manggagawa sa ilalim ng mga mayayaman na nagmamay-ari ng lupa na kanilang pinagsasakahan o pinagtatrabauhan. Sa madaling salita, namumuhay pa rin ang karamihan ng mga Pilipino sa isang kahig, isang tuka. Karamihan ay kumikita pa rin ng napakaliit na sahod na maaring ituring na hindi makatarungan at makatao sa kasalukuyang panahon. Tuluyan pa ring napagsasamantalahan ang mga mahihina at hindi nabibigyan ng pagkakataon na lumago ang kanilang mga kabuhayan, at nananatili pa rin silang nakagapos sa mga sistemang makaluma – Medyoebal, na dapat ay makabago’t moderno na sapagkat naiiwanan na tayo ng panahon at napag-iiwanan na tayo ng mga malalapit nating mga bansa. Mas sumasagana ang buhay ng mga mayayamang makapangyarihan samantalang mas nagdurusa ang mga sawimpalad na mga manggagawa. Tinatawag nating mga bagong bayani ang ating mga manggagawa na nagtatrabaho sa ibang bansa, mga naglilingkod sa ibang lahi. Tinatawag natin mga bagong bayani ang mga inaaping mga katulong sa Gitnang Silangan, mga minamaltrato, at inuuwi nang mga bangkay. Tinatawag natin silang mga bagong bayani sapagkat nagpapadala sila ng malaking halaga ng pera na ambag sa ating ekonomiya… kapalit dito ang pagiging malayo sa kanilang mga mahal sa buhay. Pinagmamalaki natin ang mga naging matagumpay sa ibang bansa, mga sikat na artista, na ibang bansa ang nakikinabang sa kanilang mga kagalingan.
Patay na si Rizal, ngunit nananatili pa rin buhay ang mga sinaunang kaalaman na dapat ay napabuti, napalago, at napayaman na ng mga bagong kaalaman dulot ng mga natutuklasan at naiimbento ng mga tao mula sa globalisasyon, modernisasyon, at pagtanggap ng mga pagbabago sa paglipas ng panahon. Kailangan na natin humabol at hayaan ang mga sarili na tuluyang tumubo tulad ng mga puno na siyang natural na proseso ng kalikasan. Kailangan natin bigyan parangal ang mga nararapat, hindi sapagkat sila’y mga sikat at nagpapapansin, kundi dahil kinikilala natin ang kanilang naging ambag sa kaunlaran ng bayan, na hindi nakakalimutan ang sariling mga reputasyon at pinanggalingan.
Ang wikang Filipino ay isang mainit na usapin ngayong mga panahong ito. May mga lumabas na artikulo sa mga pahayagang nagdududa sa kahalagahan ng paggamit ng wikang ito. Para sa iba, sinasabi nilang ang wikang Filipino ay wika ng masa. Ito ang wika ng mga manggagawa, katulong, tsuper, tindero, at ng mga wala masyadong pinag-aralan – sa madaling salita, ito’y tinuturing na wikang pangkalye, ayon sa mga kagalang-galang na nagtataas-taasan. Samantala, ang wikang Ingles naman ay ginagamit ng mga may pinag-aralan, mga mayaman, at mga makapangyarihan. Ginagamit lamang nila ang wikang Filipino upang makipag-usap sa mga taong hindi makaintindi ng wikang Ingles. Pagtatawanan at pahihiyain ka pa kung hindi ka matatas sa pagsalita ng Ingles at aakalain ka pang mababa at walang pinag-aralan. Habang ang mga hindi naman matatas magsalita ng Filipino, na kung papakinggan ay mayroon halong pagkabalbal ay mas pinupuri at mataas ang pagturing sa kanila. Kung magaling ka sa wikang Ingles mas nabibigyan ka ng maraming pagkakataon upang magkaroon ng magandang hanapbuhay, respeto mula sa iyong mga kaibigan, at kompiyansa sa sarili samantala ang pagiging magaling sa Filipino ay halos hindi nabibigyan ng kahalagahan at pansin. Bakit mas tinatangkilik ang mga nagpipilit na magsalita ng Filipino samantalang pinagtatawanan ang mga hindi matatas mag-Ingles? Hindi ba dapat mas nakahihiya kung ikaw, isang Pilipino ay hindi magaling sa sarili niyang wika? Hindi ba mas nakalulungkot isipin na kung hindi ka sanay at matatas sa sarili mong wika ay wala kang pagkakataon na makipag-ugnay sa karamihan ng iyong mga kababayan na makakasalamuha mo sa araw-araw, sapagkat wikang Filipino ang kanilang ginagamit? Hindi ba mas nakatatawang isipin at nakahihiyang pagmasdan na ikaw, isang katutubo ay tinuturing na dayuhan sa iyong sariling bayan? Bakit hanggang sa ngayon, hindi pa rin tayo nagkakaisa sa wikang dapat natin ginagamit? Tinatawag pa rin natin itong Tagalog, gayong dapat ay Filipino. Dahil mas panlahatan ito at ang Tagalog naman ay isang diyalekto na siyang pinagmulan ng pambansang wika natin ngayon. Bakit hanggang sa ngayon, malaking pagtatalo pa rin kung dapat wikang Ingles o Filipino ang gagamiting tagapamagitan sa pagtuturo sa ating mga estudyante sa mga paaralan? Tandaan natin na ang tinuturing niyong wika ng masa ay ang wikang ginagamit ng karamihan ng mga Pilipino. At dahil wika na rin ang aking tinatalakay, bakit mayroon mga grupo ng kabataang gumagawa ng sarili nilang paraan ng pagbaybay sa mga salita na tinatawag ngayong “Jejemon”? Sa tingin ba nila’y mas masasabing orihinal, nagpapahayag ng kanilang saloobin, at kahanga-hanga ang kanilang ginagawa? Buweno mas pinapatay pa nila ang sarili nilang wikang sa kasalukuyan ay naghihikahos at nagbubungtong-hininga. Para na rin nilang dinuraan ang mga mukha hindi lamang ni Rizal kundi ang iba pang mga kilalang manunulat at tagapaglaganap ng wika tulad nina Francisco Balagtas, Virgilio Almario, at Rolando Tinio, kasama na rin ang mga nagtuturo ng Filipino sa kanilang mga estudyante at ginagawa ang abot ng kanilang makakaya upang maimpluwensyahan ang mga itong mas lalong mahalin at yakapin ang Filipino. Bago sila tumangkilik at magpakahusay sa ibang wika ay kinakailangan muna ng mga Pilipinong maging matatas, sanay, mapagtaguyod, at dalubhasa sa wikang Filipino… at kilalanin na rin ang iba natin likas na mga dyalekto, aparte pa sa Tagalog, na siyang na pinag-ugatan ng ating kasalukuyang Pambansang Wika.
Patay na si Rizal, ngunit naghihingalo pa ang wikang Filipino… kaya pa itong iligtas, at dapat sa lalong madaling panahon… habang hindi pa huli ang lahat. Malaking hamon ang hindi lamang pagkilala sa wikang Filipino kundi ang paggamit din ito nang tama at nang may katumbas na respeto sa ating kapwa. Ang wika ng isang lahi ay tulad na rin ng isang buhay na hayop na patuloy na lumalaki at umaangkop sa kanyang kapaligiran, na mayroon tayong likas na responsibilidad na alagaan ito upang manatiling buhay, magkaroon ng lakas at mayroon gilas na lumaban at harapin ang mundong mapanganib.
Sa larangan ng edukasyon, ito ang masasabi nating isa sa mga pinakamahalagang nais ipaglaban ni Rizal noong panahon ng kanyang pag-aalsa laban sa Pamahalaang Kastila. Para kay Rizal, ang edukasyon ang dapat magsisilbing daan patungo sa mas malalim na pag-uunawa sa sarili, sa kapwa, at sa kapaligiran, na siyang susi para sa kaunlaran. Ang edukasyon ang magbubukas sa mata ng mga tao: sabay silang maliliwanagan at magigising sa katotohanan, at mula rito magsisimula silang gumawa ng pagbabago para sa ikabubuti ng lahat. Ayon sa isang kilalang Heswitang Pilosopo na si Padre Roque Ferriols, masasabing tunay na bukal ng kaalaman at karunungan ang isang guro o sinuman kung siyang marunong magmasid at umunawa, marunong magbunyag, at siya’y makatotohanan, hindi nagsisinungaling. At para naman sa isang mag-aaral, upang mas matuto siya at makaunawa nang lubos, dinagdag ni Padre Ferriols na dapat ito’y marunong kumilatis at marunong umunawa sa mga ibinubunyag sapagkat tulay lamang ng kaalaman ang mga guro at ang siyang natututo ay ang mag-aaral. Ngunit, paano nga ba tayo magbubuo ng mga ganap na mag-aaral kung ang sistema ng pagtuturo ay hindi maayos at nabibiyan ng kahalagahan? Hanggang hindi nabibigyan ng pagkakataon ang lahat ng kabataan na makapag-aral sa isang matinong paaralan, mahihirapan itong umunlad sa buhay. Lahat tayo’y gutom at tigang sa kaalaman, at natural na pangangailangan sa taong gawin ang lahat ng kanyang makakaya upang maliwanagan sa katotohanan, datapwat hindi ito dapat hinihiwalay.
Patay na si Rizal, ngunit marami pa rin kabataan na uhaw sa kaalaman, na naghihintay lamang na mabigyan ng pagkakataon na matuto at mamulat sa mga katotohanan ng mundong kanilang kinabibilangan. Kinakailangan natin bigyan kahalagahan at pangunguna ang edukasyon tulad ng pinaglalaban ni Rizal ilang daan taon na ang nakalipas. Ang edukasyon ang tunay na susi para sa kaunlaran at upang magkaroon ng tapang ang tao na harapin ang hamon ng mundo. Para itong mga bala sa mga armas na kinakailangan natin sa giyera upang patuloy na lumaban at magwagi sa pagsubok ng buhay.
Alalahanin natin na higit pang mahalaga ang mga ideya’t prinsipyong pinaglalaban, hindi ang taong lumalaban nito, sapagkat ang tao’y maaaring mabigo, maari itong mamatay… nakagapos siya sa kanyang mga pangangailangan at sa panahong nakatalaga sa kanya upang mabuhay. Nabubulok ang katawan nito’t bumabalik sa pagiging pataba sa lupa pagdating ng panahon, kung kaya’t limitado ang tao. Ngunit kung papansinin, makalipas ng ilang dekada’t ilang daang taon, ang mga ideyang nagmula sa kanya, ay mayroon pa ring kakayahang baguhin ang mga sistema’t nakasanayan na sa mundo upang magdulot ng kaunlaran at kaginhawaan. Hindi maaring masugatan ang isang ideya, hindi ito nagdurugo, hindi ito nakararamdam ng sakit, at higit sa lahat, hindi ito namamatay. Nakakalimutan natin ang detalye tungkol sa mga taong pinagmulan ng mga ideya’t prinsipyo ngunit hindi mahirap makalimutan ang kanilang mga ipinaglaban hanggang sa ngayon.
Patay na si Rizal, at hindi na niya kayang mamatay muli para sa ating lahi. Hindi na niya tayo maipagtatanggol. Tayo na mismo ang haharap at tatanggap sa mga nakamamatay na mga bala.
Mula sa iba’t ibang larangan na iniugnay kay Rizal, sa mga palagay ng mga tao, sa edukasyon, literatura, ekonomiya, pamamahala, relihiyon, agham, sining, wika, at maging sa pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino, masasabi natin na kung sa kasalukuyan panahon ay napapansin natin na may pagkakataon na magkasalungat ang mga ito, maaari itong maipagsama ni Rizal. Kaysa magkaroon ng mga katunggalian, bakit hindi na lamang magtulungan? Kaysa maglabas ng mga armamento at maging marahas, bakit hindi idaan sa mapayapang argumento, diskurso, dyalogo, at pakikipagtalastasan? Bilang mga tao, lahat tayo ay mayroon mga natatanging kagalingan na kung saan nakikita ang ating layunin at kahalagahan sa lipunan, at mula sa mga kayamanan ng kaalaman na dapat natin ipagdiwang at ipagmalaki na mga Pilipino, kinakailangan natin makita ang mga potensyal at posibilidad ng mga ito upang umunlad tayo bilang isang bansa at lahi. Mas marami tayong magagawa kung magiging mulat at bukas tayo sa mga bagong kaalaman, kung magtaya tayo na lumampas mula sa ating mga hangganan at kilalanin ang sarili natin mga potensyal, lugar sa lipunan, at obligasyon na tulungan na mapabuti ang kalagayan ng bansa. Mahalagang bigyan pansin na mayroon tayong mga natatagong kalakasan, natatanging indibiduwalidad, at mga likas yaman sa napakalaki natin populasyon at dami ng ating mga islang nakakalat at naghihintay na mabigyan ng pagkilala at pagmamalaki. Hanggang hindi tayo magsimulang mangarap bilang isang lahi para sa buong bansa, hindi pa rin malaki ang maaabot natin kung kaya dapat mangahas na tayo at itaguyod ang mga nasimulan nang pinaglalaban ni Rizal at iba pa natin mga bayani, kinikilala man o nakalimutan na sa paglipas ng panahon.
Patay na si Rizal sa kasalukuyang panahon.
At ngayon, tayong mga mamamayan ng kasalukuyang panahon ay mayroon pasang pananagutan sa ating bansa. Kung tunay nga natin nais na gunitain ang diwa ni Jose Rizal, hindi ito mapapakita lamang sa mga nakasabit na karatula, sa mga suot-suot na mga damit na mayroon modernong mukha niyang nakasuot ng salamin pang-araw, o sa pagbisita sa Luneta at pagmasdan ang kanyang rebultong siguro’y mananatiling nakatayo kahit ika’y pataba na rin sa lupa. Ang tunay na paggunita kay Rizal ay sa paraan ng pagsasabuhay ng kanyang mga ideolohiya, pinaglalaban, at iba pang mga pinahahalagahan, kalakip na rin ang iyong mga sariling mga pinaniniwalaan na para sa’yo ay mapakikinabangan ng lahat. Kung mayroon kang nakikitang maling nagaganap sa iyong kapaligiran, isang kasalanan sa iyong kapwa tao ang wala kang magagawa, o ‘di kaya’y pintasan lamang ito. Kinakailangang ikaw mismo ang maghanap ng paraan upang ito’y mabago at lalong mapabuti, kahit gaano kaliit o simpleng solusyon lamang ito. Kung nagawa ni Rizal na magsimula ng pagbabago na nagdulot sa rebolusyon at tuluyang paglaya ng mga Pilipino, ito’y dapat magsilbing pag-udyok sa’tin na huwag matakot na isigaw ang ating mga saloobin. Kung bawat isa sa atin ay bumangon upang ipaglaban ang kung ano sa tingin nila ang tama at makatarungan, magsisimula na rin bumangon ang mga taong nakapalibot sa kanila, at tuluyang babangon na rin ang buong sambayanang Pilipino para sa pagbabago’t pagkakapantay-pantay ng lahat. Tayo ang mga makabagong pambansang bayani.
Ang tunay na diwa ni Rizal ay hindi lamang pinagdiriwang kundi ginagawa, sinasabuhay, at ginagawang bahagi ng ating pagkatao, ng ating identidad bilang isang Pilipino na handang ialay ang sarili para sa bansa.
Wala nang magagawa si Rizal sa kasalukuyang panahon.
…pero tayo, mayroon… hindi pa huli ang lahat, mayroon pa tayong magagawa!
Patay na ang taong si Jose P. Rizal.
…pero tayo, buhay pa. Tayo ang mga buhay!
…at kaya natin ipagpatuloy, ipaglaban, at isulong ang kanyang mga ideya, prinsipyo, pinapangarap, at hinahangad para sa Ating Inang Bayan.
Mabuhay ang Pilipinas at ang Sambayanang Pilipino!