“Awit ng Isang Nagtapos sa Ateneo”
(sinulat ni Guelan Varela-Luarca, M2009)
Pangako ko sa ‘yo, Ateneong mahal
Na ina ng aking puso’t karunungan
Ang gilas ng isip, liksi ng katawan
Lagi kong laan sa inaba kong Bayan.
Ngunit ‘pag ang laban ay di na matiis
Sakal ng tiwali’y lubhang humihigpit
Nawa’y larawan ng kahapong matamis
Ang siyang umalo sa ‘king diwang gipit.
Sana ay matambad sa aking gunita
Mga kaibigang dito nakilala,
Mga pangaral mong dito ko nakuha
Sa loob ng moog ng ‘yong pagkalinga.
At ‘pag manumbalik ang gilas ko’t lakas
Upang makibaka nang walang pag-atras
Sa tagumpay ko ay aking iaangat
Ang bughaw at puti ng iyong watawat.
Ano kung patay na ang aking katawan
Batbat na ng sugat ang bawat galamay!
‘Di ba’t nariyan ka, Ateneong mahal
Ikaw na kakanlong sa diwa kong pagal?